Created by the "GUARDIANS" : Gentlemen and United Associates of the (Filipino) Race, Dauntless and Ingenious Advocator for the Nation and Society!
Tuesday, July 20, 2010
Talaga ba na kapos ang rasyong tubig?
Talaga ba na kapos ang rasyong tubig? Sabi nga pinakikita sa mga istasyon ng television ang kakapusan ng tubig, pero hindi ba kayo nagtataka na ang mga lugar lang ng mahihirap ang pinakikitang nahihirapan sa kakawalan ng tubig ngayon?
Hindi ba gumagamit ng tubig ang mayayaman, siguro dapat ang ipakita ng mga istasyon ng tv yung mga swimming pool ng mayayaman, at pag talagang tuyo ang swimming pool talagang kapos talaga ang tubig!
Hindi pa man nangyayari ang mga bagyong Ondoy ay may nagsasabi na, na ang mangyayaring pagtaas ng halaga ng gasolina, kuryente, at maging tubig sa darating na taong 2010 ay kagustuhan ng Diyos, at maaring nagkatotoo nga, may propesiya ba ang mga taong ito o inihahanda lang nila ang kalooban ng mga tao sa kanilang mga plano?
Ano-ano ba ang mga planong ito, una ang pagbebenta ng "Hydro Electric Power Plant" na nasa pangangalaga ng Napocor sa Angat Dam, dahil sabi nga hindi ito mapapatakbo dahil sa kakapusan ng tubig, tubig ang nagpapatakbo nito kaya kung walang tubig hindi ito mapapatakbo, kaya mas mabuti pa daw na ibang bansa ang magpatakbo nito at baka sakaling magkaroon ng tubig, ano ba ito????
Alam ba natin kung bakit kapos tayo sa tubig ngayon, sabi nila, pero ang inyong kaibigan ay hindi naniniwala, una, nagkaroon sila ng pagkakataon na pakawalan halos lahat ng laman ng Angat Dam noong panahon ni Ondoy, na ikinasawi ng daan-daan nating kababayan, na dahil sa kanilang ginawa ay halos nawalan na ng tubig ang Dam, pero hindi natin ito dapat ikabahala kung walang problema ang Dam!
Kailangan ba na ang bago nating Presidente pa ang makadiskubre na maraming tagas o may bitak na ang Dam na hindi nagagawa dahil sa kawalan daw ng pondo, na halos isang dekada na ang problemang ito, isang bilyon daw ang kailangan, kaya limang Senador lang o kaya labinlimang congressman lang ang hindi bigyan ng pork barrel sa isang taon, tapos na ang problemang ito!
Kaya nila sinasabi na kapos ang tubig ay dahil tuloy-tuloy pa din ang pagtagas ng tubig sa mga bitak, na kailangan ang isang bagyong katulad pa ulit ni Ondoy para magkaroon ng sapat na tubig, at kung sakali ulit na ganoon nga ang mangyari, tiyak na magpapakawala na naman sila ng katakot-takot na tubig, na maari na namang ikasawi ng ating mga kababayan, dahil uuho na naman ang daang-daang troso galing sa kagubatan na hindi na yata nagsawa ang mga pumuputol, pero talagang kailangan nilang gawin iyon, ang pagpapakawala, dahil pag hindi ay maaaring sumabog ang Dam!
Sa amin sa Meycauayan City at Obando, sanay na kami na mawalan ng tubig, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, pinapatay ang aming tubig simula alas nueve ng gabi at bubuksan ulit ng alas kuwatro ng umaga, sa kabila ng ang bayad namin ay tumataginting na trenta'y nueva (P39.00)kada metro kobiko, ang pinakamataas sa buong mundo, pero wala kaming magawa dahil hindi pa daw nagagawa ang linyang papunta sa lugar namin kaya bumibili pa daw kami sabi ng dati namin Gobernador, kaya payo ko sa mga kababayan ko, magtipid tayo sa tubig, kahit mura ang tubig sa lugar ninyo pag-ingatan ninyo ang mga tubo ng tubig at huwag payagang mabutas, gamitin lang ang tubig sa tamang paraan, huwag tayong maging aksayado sa pag-gamit, mahalin natin ang tubig dahil ito ang nagpapanatili bakit pa tayo nabubuhay, kung walang tubig, di tayo tatagal.
At lagi ninyong isipin, mas masuwerte pa kayo kaysa sa amin na mga taga Meycauyan at Obando, na maraming taon ng nagdaranas ng hirap sa tubig, kayo araw pa lang at huwag iinit ang ulo at baka lalo lang lumaki ang problema!
Pero saang bansa ka ba naman nakakita ng tag-ulan pero nag-kla-cloud seeding, pag nabalitaan ito ng mga taga ibang bansa sasabihin tanga talaga ang Pilipino, malaki talaga ang problema ng Angat Dam, bakit sa San Roque Dam walang problema ngayon, nasasa-isang pulo lang at bansa ang dalawang Dam na iyan?
Huwag na sanang mangatwiran ang Napocor sa ating Presidente NoyNoy, talagang iyan ay problema ninyo, at pinalano na ninyo iyan noon pang nakaraang taon, bago pa man lang dumating si "Ondoy", at ang problema ng Angat Dam, di ninyo binibigyan ng aksiyon, o nabibilang kayo sa mga "Tangang Pilipino"?
Paliwanag ko ulit ang "Tangang Pilipino", di naman ito eksaktong tanga, ito yung mga Pilipinong nagtatanga-tangahan na na nagsasabi ng: "Hindi bale kayong magkamatay na mga kababayan ko dahil sa paninira ng kalikasan at kagulangan ako yumayaman"!
Tatanungin ko kayong mga kababayan ko, lalo na ang mga nakatira sa lugar ng Bulacan, ano ang kailangan bigyan ng prayoridad?Ibenta na ang "Hydro Electric Power Plant" at ipagawa ang Dam, pero lalong tataas ang singil ng kuryente dahil ibang bansa na ang magpapatakbo nito, pero hindi naman tayo kakaba-kaba pag oras ng bagyo o huwag munang magbigay ng pork barrel para maipagawa ito o umutang na lang ulit para magawa ang Dam at panatilihing pag-aari pa ng Napocor ang "Hydro Electric Power Plant", kaya walang pagtataas ng kuryente ang mangyayari sa Meralco!
Sa aking sagot, huwag munang magbigay ng pork barrel lalo na sa mga tongressman na walang pakinabang at huwag ibenta ang "Hydro Electric Power Plant"!
Mangyaring i-klik ang larawan ng "Ilog ng Meycauayan" para makita ang aming website, sundan niyo na din ang inyong kaibigan sa http://www.facebook.com/gsgwfi/ salamat po!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment